Saturday, September 27, 2008

Bahay nila Gabby nakakandado dahil kay Mrs. Flaminiano


Pumunta ako sa bahay ng mga Concepcion noong Huwebes para makiramay sa pamilya ni Daddy Rollie Concepcion.

Hindi ako magiging plastik. Nakaramdam ako ng melancholia nang tumuntong ako sa kanilang compound dahil 1994 pa nang huli akong pumunta sa bahay nila.

Mahigpit ang bantay sa gate. Sinasabi muna nila sa in-charge ang pangalan ng mga tao na dumarating.

Nakakandado rin ang gate. Hindi basta-basta maka­kapasok ang mga gustong makiramay. May clearance dapat sila.

Si Nadia Montenegro ang sumalubong sa akin sa entrance ng Montessori School na pag-aari ng pa­milya nina Gabby. Nagbiro si Nadia na naka-lock ang gate para hindi maka-enter si Mommy Rose Flaminiano.

Pagpasok ko sa chapel, sinalubong agad ako ni Rina, ang nakababatang kapatid ni Gabby.

Yumakap kaagad sa akin si Rina at sa totoo lang, na-touch ako nang husto sa mainit na pagtanggap niya sa akin.

Nakita ko rin doon sina Mike at Juju, ang mga kapa­tid na lalake ni Gabby na 14 years ko rin na hindi nakita.

Dinala kaagad ako ni Rina sa kuwarto ng kanyang ina, si Mommy Baby na naabutan ko sna nakahiga at nagpapahinga dahil kagagaling lamang niya sa Amerika.

Malungkot na malungkot si Mommy Baby sa pag­ka­wala ng kanyang asawa. Ikinuwento ni Mommy Baby na noon pa niya gustong bumalik sa Pilipinas pero pinigilan siya ni Daddy Rollie.

Kung hindi raw siya inawat ni Daddy Rollie, nakita pa niya na buhay ang kanyang asawa. Limang buwan na si Mommy Baby sa Amerika dahil ipinipetisyon siya ng anak na si Ricky.

Matagal-tagal din kaming nag-usap ni Mommy Baby as in parang hindi kami nagkaroon ng tampuhan ni Gabby.
* * *

Tulog pa si Gabby nang dumating ako sa bahay nila pero nagising siya bago ako umalis.

As usual, ang buhok ni Gabby ang napagdiski­tahan ko dahil hindi ko type ang kanyang hairdo.

Sinabi ko sa kanya na magpagupit na uli siya kay Boy Navarette. Si Boy ang naggugupit noon kay Gabby. Alam na alam ni Boy ang hairstyle na bagay kay Gabby.

Bukas ang libing ni Daddy Rollie sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Magkakaroon muna ng 3:00 pm mass sa chapel ng Montessori de San Juan bago siya ihatid sa huling hantungan.

0 comments:

ads