Monday, August 25, 2008

OctoArts dedma pa sa kontrata ni Katrina sa Regal

Gaano kaya katotoo ang balitang nakarating sa amin na pinadalhan umano ng Regal Films na pag-aari ni Mother Lily Monteverde ang OctoArts Films na pinamumunuan naman ni Boss Orly Ilacad tungkol sa kontrata umano ng controversial actress na si Katrina Halili.

Kamakailan lamang ay pumirma ng multi-picture contract si Katrina sa bakuran ng OctoArts Films at may dalawang pelikula kaagad ang nakalatag sa kanya, ang MMFF movie na One Night Only at ang movie remake ng classic hit movie ni Vilma Santos na Miss X. Napabalita ring pinul-out umano ng Star Magic ang kanilang mga contract stars na sina Diether Ocampo, Angelica Panganiban at Roxanne Guinoo sa cast ng One Night Only dahil ayaw umano nilang gawing suporta lamang ito ng dating Starstruck finalist.

In fairness, kung natuloy sina Diether, Angelica at Roxanne, hindi sila suporta lamang kundi mga bida rin sana sila pero ito’y naunahan ng mga intriga. Ito’y mapapatunayan mismo ng writer-director ng pelikula na si Joey Javier Reyes.

Nasentro lang lahat kay Katrina ang attention ng media nang magpatawag ng presscon ang OctoArts para sa kanyang pagpirma ng kontrata sa nasabing film outfit. Naturally, siya ang pinag-usapan.

Bukod sa OctoArts, aware din siyempre ang GMA-7 na isa ngayon si Katrina sa mga hot stars nila kaya pagkatapos ng contravida role nito sa Marimar ay agad itong binigyan ng sarili niyang soap na siya mismo ang bida, ang Magdusa Ka. Si Katrina rin ang unang featured star sa four-part drama anthology na Obra kung saan niya katrabaho ang iba’t ibang de kalidad na mga director na sina Joel Lamangan, Maryo J. de Los Reyes, Jun Lana at Bibeth Orteza.

Si Katrina rin ang leading-lady ni Dennis Trillo sa Gagambino.

Ang nakakalungkot lang dito, sa halip na magkatulungan lalupa’t kailangang-kailangan ito ng industriya, nagkakaroon pa nang hindi pagkakaunawaan ang ilan sa ating mga producers.

Hindi man lamang umabot sa 50 pelikula ang naipalabas nung isang taon at hindi rin ganun karami ang film output sa taong ito.

Marami sa ating mga artista at production people ang walang trabaho kaya kailangang magtulungan para maisalba ang matagal nang naghihingalong industriya ng pelikulang Pilipino.

Naurong na sa September ang shooting ng One Night Only dahil sa problema sa casting.

Bukod kay Katrina, kasama rin sa pelikula sina Diana Zubiri, Valeria Concepcion, Iwa Moto, Joross Gamboa, Ricky Davao at iba pa.

0 comments:

ads