Sunday, September 21, 2008

ABS-CBN nakialam na sa demandahan nina Gabby at Rose Flaminiano

Twenty two million ang kabuuang halaga ng danyos perhuwisyo na hinihingi ni Mommy Rose Flaminiano mula kay Gabby Concepcion sa demandang isinampa niya laban sa aktor nung nakaraang Martes nang hapon.

May nagtanong sa manager, paano kung bayaran ni Gabby ang halagang hinihingi niya, pakakawalan na ba niya si Gabby?

Nilinaw ni Mommy Rose, “Ang twenty two million pesos, pang-6 months lang yun, sa tinakbuhan lang ng contract namin yun bilang manager-talent, meron pang four and a half years na naiiwanan.

“Yung sa ngayon lang ang twenty two million pesos, mahaba pa ang tatakbuhin ng contract niya sa akin, meron pa siyang apat na taon at kalahati,” malinaw ang sagot ni Mommy Rose.

Pero sino naman kaya ang bibili kay Mommy Rose ng kontrata ni Gabby, kung sakali man, meron naman kayang tulad niya na agad-agad na maniniwala sa kapasidad ng aktor?

Lalo na sa mga panahong ito, kumbaga sa paninda ay pababa na ang presyo ni Gabby, tapos na ang maliligaya nitong araw. Ang maraming kausap ni Mommy Rose para sa pag-eendorso ni Gabby ay nag-urungan na, kabanggit-banggit ang isang kumpanya ng pabango na nagpasabi na sa kanya ng kawalan ng interes, dahil nga sa mga nagaganap.

Punumpuno pa naman ng entusiyasmo noon ang may-ari ng kumpanya ng pabango, pinag-usapan na nila ni Mommy Rose kung saan-saan itatayo ang malalaking billboards ng aktor, pictorial na lang ang kulang na isasabay sana sa contract signing.

Pero nung magkaroon ng meeting ang kumpanya ay biglang nagbago na ang ihip ng hangin, halos lahat sa committee ay nagsabing para ano pa at kukunin nila si Gabby, pabango ang kanilang produkto at hindi magiging kapani-paniwala kung ang kukunin nilang modelo ay hindi kabanguhan ang imahe ngayon sa publiko.

May saysay ang desisyon ng kumpanya, mahirap magbenta ng produktong pabango kung ang mismong nakikita ng publiko na nagmomodelo nun ay isang personalidad na sagana sa kaso kaliwa’t kanan, tulad ni Gabby Concepcion.

Ano’ng magagawa ni Mommy Rose, nagpapakatotoo lang naman ang may-ari ng kumpanya, alangan namang magsayang nang milyon-milyon ang kumpanya para sa isang talunang proyekto?

At sa ganung kaganapan ay si Gabby ang talong-talo. Kailangan nitong magtrabaho para sa kanyang pamilya, kaya nga siya umuwi dito ay dahil bagsak na rin ang real estate business sa Amerika, aminado naman ang gobyerno ng Amerika na bagsak na bagsak ang estado ng ekonomiya nila ngayon.

Si Mommy Rose ay makapamumuhay na nang disente at hanggang sa mga susunod pang dekada, si Gabby ang mas nangangailangan ng pera, hindi ang kanyang manager.
* * *

Balita nami’y nagkaroon na ng pag-uusap si Mommy Rose at ang mga ehekutibo ng ABS-CBN. Kailangan nilang upuan ang problema, dahil hindi lang naman kay Mommy Rose may kontrata ang aktor, meron din silang kontrata sa ABS-CBN at sa Star Cinema.

Hindi inilabas ni Mommy Rose ang kontratang yun, ang kontrata lang nila ni Gabby ang nasilip ng media nung magsampa siya ng kaso laban sa aktor, ano-ano pa kaya ang nilalaman ng nasabing kontrata?

Hindi man namin alam ang naging takbo ng pag-uusap nila ay madaling sabihin na tungo sa ipagkakasundo ng magkabilang panig ang naging agenda nila.

Paano nga naman mangyayari ang mga nakasaad sa kontrata kung kasinggulo ng giyera ang samahan ngayon nina Gabby at Mommy Rose, siguradong nagtulay ang mga ehekutibo sa kanilang away, hindi lang namin alam kung napalambot ng mga ito ang manager ni Gabby.

Sa tanong kung may plano ang Star Cinema na saluhin si Gabby mula kay Mommy Rose ay puwedeng isipin na hindi. Natural lang na kung susugal man sa ganun kalaking halaga ang produksiyon ay mas gugustuhin na nilang sumugal sa mas batang artista, yung mapapakinabangan pa nila nang matagal, hindi gaya ni Gabby.

0 comments:

ads