Saturday, September 20, 2008

Robin payag nang ligawan ang mga anak


Wala naman palang dapat ikatakot ang mga binatang magtatangkang manligaw sa mga dalaga ni Robin Padilla.

“Lahat pwedeng manligaw, pero dapat sa bahay. Dapat ding naniniwala sila sa Diyos, kung hindi sa gate pa lamang ay haharangin ko na sila. Gusto ko rin na sinumang manliligaw sa mga anak ko ay nag-aaral. Ayaw ko na ang unang tutulungan ng mga anak ko ay ang manliligaw nila. Gusto kong ang lalaki ang tutulong sa mga anak ko,” sagot ng aktor sa tanong ng press kung pinaliligawan na niya ang mga anak niyang sina Queenie at Kylie.

Si Robin ay abala ngayon sa pelikula niyang Sundo, ang susunod na pelikula ng GMA Films, isang horror film ni direktor Topel Lee na base sa sinaunang paniniwala na ang malapit nang sumakabilang buhay ay sinusundo ng kaluluwa ng kanilang mga kamag-anak.

Bukod kay Robin, nasa cast sina Sunshine Dizon, Katrina Halili, Rhian Ramos, Glydel Mercado, Hero Angeles at Mark Bautista.

Sinabi ni Robin na iba ang Sundo sa unang ginawa niyang suspense-thriller dahil dito ay mayro’n nang mga multo. “Bago kami magsimula ng trabaho ay nagdarasal muna kami,” imporma niya tungkol sa pelikula na sinimulan nila nung buwan pa ng Hulyo. Ibang-iba ang porma niya sa movie, maikling-maikli ang gupit, bagay sa role niyang isang dating myembro ng military na piniling simailalim sa seklusyon matapos makaligtas sa isang trahedya at matuk­lasang may taglay siyang kakaibang kapangyarihan.

0 comments:

ads