Wednesday, September 10, 2008

Sarah may inspirasyon na!


Sinagasa ko ang malakas na ulan kahapon para mapuntahan ang album launch ni Sarah Geronimo sa Pier One sa Morato, Quezon City.

Nakakaloka ang panahon pero mas nakakaloka ang hagdan ng Pier One dahil any moment eh puwede kang madulas dahil sa tubig ulan.

Maagang dumating si Sarah sa presscon. Hindi siya katulad ng ibang artista na sinasadya na magpa-late para star na star ang dating nila.

Humingi agad ako ng kopya ng bagong CD album ni Sarah or else, baka maubusan ako. Paborito ko si Sarah at favorite rin siya ng aking pamangkin kaya nangharbat kaagad ako ng CD niya na may title na Just Me.

Tatlong kanta ang inawit ni Sarah. Siyempre, pinakagusto ko ang pagkanta niya sa A Very Special Love, ang theme song ng pelikula nila ni John Lloyd Cruz na pinanood ko sa sine.

Gandang-ganda ako sa version ni Sarah sa A Very Special. Para akong hinehele sa pagtulog habang pinakikinggan ko ang pagkanta niya.

Umeksena ang isang bagets na babae na hala­tang fan na fan ni Sarah. Malakas ang loob ng bagets. Hindi siya nahiya. Talagang nakipag-duet siya sa kan­yang idol.

Idol si Sarah ng mga kabataan dahil sa kanyang whole­some image. Never siyang nasasangkot sa mga eskandalo at intriga. Very pleasing pa ang personality niya.
* * *

Ikinuwento ni Sarah sa presscon na may part 2 ang movie team-up nila ni John Lloyd. Kung hindi raw magkakaroon ng changes, sa November ang umpisa ng shooting nila.

Tatapusin muna ni Sarah ang concert niya sa Araneta Coliseum bago umpisahan ang shooting. One at a time ang drama niya dahil hindi puwedeng pagsabayin ang concert at shooting ng pelikula. Mangangarag siya.

Ayaw sabihin ni Sarah ang name ng mhin na inspirasyon niya. Natutuwa raw siya kapag nakikita ang kanyang secret inspiration.

Kahit kinulit si Sarah ng mga reporter, hindi siya napilit. Mananatiling secret ang identity ng crush ni Sarah. Siyempre, hindi rin alam ng lucky guy na siya ang inspiration ni Sarah. Secret nga kasi.

0 comments:

ads